-- Advertisements --

Nagsagawa ng isang “Mass for Truth” ang ilang miyembro ng Simbahang Katoliko ngayong araw ng Huwebes bilang suporta sa House prosecution team sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6.

Idinaos ang misa kaninang alas-9:00 ng umaga sa Chapel of the Nativity of the Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City, sa pangunguna ng Clergy for Good Governance bilang pakikiisa sa prosekusyon.

Dumalo ang mga opisyal na prosecutor kabilang si House Lead Prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, mga kinatawan na sina Rep. Joel Chua, Rep. Leila de Lima, Rep. Lorenz Defensor, Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, at Rep. Ysabel Maria “Bel” Zamora, pati na rin ang mga private prosecutor.

Sa homily ni Msgr. Mel David, sinabi niya na ang nalalapit na impeachment trial ay isang mahalagang sandali para sa bansa at panawagan sa katotohanan at pananagutan.

Hinimok niya ang mga prosecutor na ipakita ang ebidensya nang may tapang, karunungan, at gabay ng pananampalataya, at hindi lamang umasa sa kakayahang legal kundi sa moral na tungkulin sa bayan.

Ayon pa sa kanya, mahalaga ang papel ng mga prosecutor sa paglilinaw ng mga isyung may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng pondo at mga kuwestiyonableng pagbabago sa badyet.

Umapela rin siya sa mga senator-judges na pairalin ang katotohanan sa magiging desisyon sa impeachment trial.