
Hindi magandang balita ang sasalubong sa mga motorista bukas dahil sa asahang umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kasunod na rin ito ng anunsiyo ng Department of Energy (DoE) na asahan ang pagtaas ng presyo ng mga petroleum products sa darating na linggo.
Sinabi ni DoE-Oil Industry Management Bureau director Rino Abad na may posibilidad na magkaroon ng P1 hanggang P2 kada litro na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sa pagtaya naman ng mga energy sources, ang diesel ay may umentong P2.10-P2.40 kada litro.
Habang ang presyo ng kada litro ng gasolina naman ay may taas na P2.50 hanggang sa P2.80 kada litro.
Habang ang kerosene naman ay mas malaki ang patong na P2.80 hanggang sa P3.00 kada litro.
Samantala, mayroon namang good news para sa mga consumers na gumagamit ng liquefied petroleum gas (LPG) dahil sa rollback sa kada kilo.
Nasa mahigit P33 hanggang P44 naman ang matitipid ng mga consumers na gumagamit ng standard 11 kilograms na tangke ng liquefied petroleum gas.
Ang Solane-branded liquefied petroleum gas ay may tapyas na P3.09 kada kilo na epektibo na kahapon.
Mas malaki naman ang tapyas ng kada kilo ng liquefied petroleum gas ng Petron na nasa P4.20 kada kilo na rollback.
Maging ang AutoLPG prices ay mayroon ding bawas sa kada kilo na P2.35 kada litro.










