-- Advertisements --

Umabot sa P171.5 milyon ang naipamahaging ayuda ng House of Representatives’ Suporta sa Bayan Desk (SBD) sa 3,592 benepisyaryo sa unang 50 araw ng operasyon nito.

Batay sa ulat ng SBD mula Marso 18 hanggang Hunyo 22, 2026, nakatanggap ito ng 3,738 kahilingan para sa tulong, kung saan 96 porsiyento o 3,592 ang naaprubahan.

Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, layunin ng programa na gawing mas mabilis, maayos at makatao ang pag-access ng mga Pilipino sa tulong ng pamahalaan.

Karamihan sa mga kahilingan ay dumaan sa Department of Health (DOH), habang ang iba ay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Kabilang sa mga ipinagkaloob na tulong ang gastusing medikal, gamot, dialysis, operasyon, laboratory tests, cash assistance at funeral aid.

Inilunsad ang SBD noong Marso 2026 bilang one-stop facilitation center upang tulungan ang mga aplikante sa pagproseso ng kanilang mga dokumento bago iendorso sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno.