-- Advertisements --

Inianunsyo ni Finance Assistant Sec. Tony Lambino na umaabot na sa mahigit 1.5 million na mga manggagawa ang nabigyan na ng cash assistance mula sa Small Business Wage Subsidy (SBWS) ng Social Security System (SSS) sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Asec. Lambino, mahigit 2.6 million application na rin ang validated mula sa target na 3.4 million at patuloy pa ang ginagawang validation dahil kahapon lamang ang deadline na pagsusumite ng application.

Ayon kay Asec. Lambino, pinapayuhan nila ang mga nag-apply na palagiang i-check ang kanilang inbox sa e-mail dahil baka may pinapa-correct na data kaya hindi pa nake-credit ang cash assistance sa kanilang ibinigay na bank accounts o sa PayMaya at iba pang remittance centers.

Sa ngayon, wala pa naman daw pinag-uusapang palawigin muli ang application sa SBWS sa kabila ng panawagan ng mga hindi pa nakapagsumiteng kompanya.

Kabuuang P1.5 billion ang inilaang pondo rito ang Department of Finance (DOF).