-- Advertisements --

Maaaring magsilbing unang pampublikong paglalatag ng ebidensya ang susunod na pagdinig ng Kamara kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, hindi na lamang limitado sa pagtalakay ng mga mosyon at proseso ang pagdinig ng House Committee on Justice, kundi maaari nang iharap at talakayin ang mga ebidensya kahit bago pa umabot sa Senado ang kaso.

Noong Marso 18, idiniklara ng komite na may sapat na batayan ang mga reklamo at itinakda ang mga pagdinig sa Marso 25 at Abril 14, 22, at 29, 2026.

Ipinaliwanag ni Chua na layunin ng proseso na tukuyin kung may “probable cause” upang umusad ang kaso, at hindi pa ito pormal na paglilitis.

Gayunman, maaari nang ilahad ang mga detalye at batayan ng reklamo sa yugtong ito.

Binigyang-diin din ni Chua  na paiiralin ang due process at bibigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na maipresenta ang kanilang mga argumento alinsunod sa mga umiiral na patakaran.