-- Advertisements --

Naitala ng Department of Health (DOH) ang panibagong 235 na karagdagang kaso ng COVID-19.

Ito na ang pinakamababa sa daily tally ng DOH mula noong Mayo 23, 2020.

Samantala ay mayroon namang naitalang 780 na gumaling at 10 na pumanaw.

Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 0.4% o katumbas ng 10,526 ang aktibong kaso.

Ito na ang pinakamababang bilang ng mga aktibong kaso ngayong taong 2021.

Nasa 97.9% o 2,775,991 na ang gumaling mula sa virus sa bansa, at 1.77% (50,351) ang namatay.

Ayon sa pinakahuling ulat, 4 mga laboratoryo ang hindi operational noong December 12, 2021 habang mayroong 8 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 12 labs na ito ay humigit kumulang 1.5% sa lahat ng samples na naitest at 2.6% sa lahat ng positibong mga indibidwal.

“Pinapaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask na may face shield, mag physical distancing, at maghugas ng kamay. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19,” bahagi pa ng DOH advisory.