Aminado ang Department of Health (DOH) na masyado pang maaga para sabihing humupa na ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y sa kabila ng mas mababa ng bilang ng mga nagpo-positibo at namamatay sa nakalipas na mga araw.
Paliwanag ng special assistant ni Health Sec. Francisco Duque na si Dr. Beverly Ho, posibleng sa gitna o katapusan pa ng Abril makita ang epekto ng ipinatupad na isang buwan na Enhanced Community Quarantine sa Luzon, sa mga kaso ng COVID-19.
“Ang incubation period ng COVID-19 ay 14 days. Ibig sabihin, para sa mga kababayan nating nahawa ng virus before March 14, ang sintomas ay maaari nilang makuha o maramdaman until March 29. After this date, doon pa lang sila nagpa-check, nagpa-konsulta, nagpa-test at nagpa-admit kung kinakailangan.”
“In short, these cases were recorded until that time could still point to cases before the ECQ.”
Ngayong araw nakapagtala ng 106 na bagong nag-positibo sa pandemic na virus ang DOH kaya ang total ng recorded cases ay pumalo pa sa 3,870.
Mababa rin ang nadagdag na reported deaths na lima lang, habang ang naiulat na gumaling ay 12.
Ang total ng deaths sa ngayon ay 182, samantalang 96 ang recoveries.
Ayon sa DOH, dahil in-extend ng hanggang katapusan ng kasalukuyang buwan ang ECQ, may pagkakataon pa ang bansa na mahabol at maabot ang dalawang mahalagang goal ng malawakang quarantine: ang mapabagal ang transmission at pagkalat ng COVID-19; at mapalawak ang healthcare capacity ng bansa.
“Kapag sabay natin itong na-achieve, we will be able to beat this pandemic.”