(Update) LEGAZPI CITY – Hiniling na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Baras sa Office of Civil Defense (OCD)-Bicol ang pagsasagawa ng aerial survey upang mapabilis ang paghahanap sa mga mangingisdang una nang naiulat na nawawala sa Catanduanes.
Lulan umano ang mga ito ng limang motorboats nang maglayag noong Disyembre 1 na hanggang ngayon ay hindi pa nahahanap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Baras-MDRRMO head Engr. Khalil Tapia, malalaking alon pa rin ang nakakasagupa ng mga rescuer sa dagat at pahirapan lalo pa’t hindi kinakaya ng speedboats ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ngayong araw, nakatutok ang paghahanap sa karagatang sakop ng Bato-Baras-Gigmoto areas, maging sa ilang kalapit na lugar sa Rapu-Rapu, Albay, Samar at Sorsogon.
Nabatid na nangisda ang mga ito sa Buoya number 32 na nasa silangang bahagi lamang ng Barangay Ginitligan hanggang sa tangayin ng malakas na agos at malalaking alon ng dagat.
Sa kabilang dako, bukod pa sa limang nawawalang mangingisda sa Baras, may apat ding mangingisda mula naman sa Viga ang pinaghahanap ng PCG.