Pumalo na sa mahigit 200 katao ang nasawi sa magnitude 7.4 na lindol sa Colombia habang nagpapatuloy ang malawakang rescue operations sa bansa.
Ayon sa United Nations humanitarian office OCHA, hindi bababa sa 126 katao ang kumpirmadong nasawi at 1,495 ang nasugatan batay sa opisyal na datos noong Lunes ng gabi. Gayunpaman, tinatayang umabot na sa 224 ang bilang ng mga nasawi ayon sa mga lokal na awtoridad nitong Martes.
Sa mga pinakaapektadong lugar, magdamag na naghukay ang mga rescue team gamit ang mga crane at excavator.
Halos 5,000 bahay din ang napinsala, habang ilang gusali ang tuluyang gumuho at daan-daang kabahayan ang nawasak.
Kabilang sa mga lubhang naapektuhan ang Cali at Pereira, kung saan maraming residential buildings ang gumuho.
Sa isang ospital din sa Cali ang gumuho ang ilang palapag kabilang ang mga bahagi ng pediatric care area, dahilan upang ilabas sa lansangan ang daan-daang pasyente.
Sa kabilang banda anim na paliparan din ang pansamantalang isinara dahil sa lindol, habang ilang kalsada rin ang hindi madaanan.
Nawalan din ng kuryente, tubig, komunikasyon at health services sa ilang lugar, lalo na sa Chocó, na malapit sa epicenter ng lindol.
Nagpadala na ng tulong ang iba’t ibang humanitarian agencies, kabilang ang pagkain, malinis na tubig, hygiene kits, medical supplies at mga kagamitan para sa evacuation.
Samantala, sinabi ng Estados Unidos na naglaan ito ng $15.5 million para sa emergency shelter, pagkain, proteksyon at damage assessment.
Naglaan naman ang Inter-American Development Bank ng $50 million na maaaring gamitin para sa reconstruction kung hihilingin ng Colombia.










