-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni Interior Sec. Eduardo Año ang lahat ng mga local government units (LGUs) sa buong bansa na huwag harangin sa kanilang mga hurisdiksyon ang mga cargo, delivery trucks dahil taliwas ito sa guidelines ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF).

Sa press briefing ng task force sa Malacañang, sinabi ni Sec. Año na ang ganitong kanya-kanyang pagharang ang dahilan ng mga pagkaka-stranded ng mga cargos na nagdadala ng mga supply ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mamamayan.

Ayon pa kay Sec. Año, maging ang kanselasyon ng mga flights sa mga airports na nasa probinsya ay wala sa hurisdiksyon ng mga LGUs.

Inihayag ni Sec. Año na lahat ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at maging mga foreign nationals na gustong bumiyahe palabas ng bansa ay dapat padaanin kung dadaan sila sa hurisdiksyon ng mga LGUs.

Inaatasan din ng kalihim ang mga otoridad na nagmamando sa mga checkpoints na padaanin ang mga miyembro ng media na may company ID at hayaang makapunta sa kanilang opisina o coverage.

Samantala, iginiit naman ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na huwag ng magturuan ng mga LGUs na sangkot sa ganitong paglabag at hindi ngayon ang panahon ng sisihan.

Ginawa ni Sec. Nograles ang pahayag matapos mabanggit sa press briefing na kabilang umano si Davao City mayor Sara Duterte-Carpio na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local chief executives na nagkansela ng domestic flights sa hurisdiksyon.