CAUAYAN CITY – Humingi na ng tulong sa pamahalaan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Beirut, Lebanon, para makauwi na sila matapos ang malakas na pagsabog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng OFW na si Jolyn Agpaoa ng San Mateo, Isabela, na nais na niyang umuwi para maiwasan ang panganib sakaling magkaroon muli ng pagsabog sa Beirut.
Malapit lamang aniya ang tinitirhan ng kanyang mga amo sa gusali kung saan naganap ang malakas na pagsabog.
Basag ang mga salamin sa gusali at hindi nila alam ang gagawin nang mangyari ang pagsabog dahil bawal lumabas bunsod ng lockdown dahil sa coronavirus pandemic.
Ayon pa sa naturang Pinay, matagal na siyang nagpalista sa Philippine Embassy para sa mga uuwing OFWs sa Pilipinas ngunit wala pang tawag sa kanya ang embahada.
Hangad ding makauwi na sa bansa ng OFW na si Ursula Guira ng Kawit, Cavite na nagtamo ng mga sugat sa kanyang mukha, ulo at braso.
Kuwento niya sa Bombo Radyo Cauayan, na nang binuksan niya ang bintana ng building nang marinig ang unang pagsabog ay nakita niya ang maitim na usok na sinundan ng napakalakas na pagsabog.
Nagpapasalamat si Guira na tumilapon siya sa gilid ng kama dahil kung hindi ay natamaan siya ng nahulog na bintanang salamin na dalawang dipa ang haba.
Nasugatan din ang kanyang among babae at kanyang asawa na unang dinala sa ospital.
Nang makasunod naman sa ospital, hindi na raw siya naasikaso dahil punung-puno ng mga tao na may mas malulubhang sugat kaya bumalik siya sa kanilang building at siya na mismo ang gumamot sa kanyang mga sugat.
Samantala, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na inatasan na niya ang assistant labor attache sa Beirut na tulungan ang mga OFW na nasugatan at nasawi sa naganap na pagsabog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bello na kailangang agad na matulungan ang mga apektadong Pinoy sa Lebanon.
Gayunman, matagal na raw nilang hinimok ang mga Filipino roon na umuwi na dahil sa epekto ng pagbagsak ng ekonomiya ng nasabing bansa.
















