KALIBO, Aklan —- Nasawi ang isang 30-anyos na lalaki makaraang mahagip ng isang bus habang nagpapahinga sa gilid ng kalsada sa national highway na sakop ng Barangay Regador, Ibajay, Aklan.
Dead on the spot ang biktimang hindi muna pinangalanan na residente rin ng nasabing lugar, sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo.
Agad namang naaresto ang driver ng pampasherong bus na biyaheng Kalibo-Pandan, Antique, kung saan, sinasabing nangako ang kompaniya ng sasakyan na tutulong sa pangangailangan ng pamilya.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Jude Ralph Escalada ng Ibajay Municipal Police Station, nakaupo at nagpapahinga ang biktima sa nakasalansang kawayan na hinakot nito nang mahagip ng bus.
Sinasabing umiwas ang bus sa humintong sasakyan sa kanyang unahan at nasapol nito ang biktima.
Kasama ng lalaki ang kanyang ina na nasa kanyang likuran na maswerteng nakaiwas.