-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan na ng kaso ang isang lalaki matapos ipakalat ang hubad na larawan ng kanyang live-in partner sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Ayon kay Police Corporal Jackie Lou Malagamba ng Tagoloan Municipal Police Station, gustong makigpagbalikan ni alyas Boy sa kanyang nakahiwalayang live-in partner na si alyas Nene ngunit talagang ayaw na ng babae.

Dahil dito, nagpadala ang suspek ng hubad na larawan ng biktima sa pamamagitan ng Facebook at nagbanta na maraming pang kasunod kung patuloy na tatanggi ang babae na makipagbalikan sa kanya.

Nagsumbong si Nene sa tanggapan ng pulisya kaya ikinasa ang isang entrapment operation na nagresulta sa pagkahuli ni Boy.

Kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang kinakaharap ng suspek.