LAOAG CITY – Nanatili sa Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital (GRASMH) sa lungsod ng Laoag ang biktima ng pananaknaksak sa Sitio Caburtungan, Barangay Pacifico sa bayan ng Marcos.
Nakilala ito na si Mark Ugali, 25-anyos, binata at magsasaka habang ang suspek na kanyang step-father ay si Fernando Saludes, 46-anyos, may live-in partner, magsasaka at pawang maga residente ng nasabing barangay.
Sinabi ni Police Major Christian Felix, ang chief of police ng PNP-Marcos sa kanilang imbestigasyon ay lasing na umuwi si Saludes sa kanilang bahay at nagkaroon ng away sa pagitan ng nila ng kanyang live-in partner na nakilalang si Marites Ugali, 50-anyos dahil sa pag-inom ng suspek.
Ani Felix na habang nag-aaway ang dalawa ay sinubukang awatin ng biktima ngunit sinaksak ito ng suspek sa kaliwang bahagi ng kaniyang dibdib gamit ang hawak nitong kutsilyo.
Agad na naitakbo sa GRASMH ang biktima habang nahuli ang suspek at nanatili sa kustodiya ng PNP habang inihahanda ang reklamong haharapin nito.