NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa Bula, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Edgar Colambo, 36-anyos, residente ng Zone-3 Brgy. Fabrica sa nasabing bayan.
Sa nakalap ng impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek na si Jezreel Miday, 31-anyos, residente rin ng nasabing lugar at ang live-in partner nito ng sinubukang sawayin ang mga ito ng biktima.
Ngunit ito rin ang naging dahilan upang magalit ang suspek sa biktima at dito na ito pinagsasaksak ni Miday.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan si Colambo na agad naman na dinala sa ospital.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek matapos na boluntaryong sumuko sa Bula Municipal Police Station.