ILOILO CITY- Patay ang isang lalaki matapos na pagtatagain ito ng kanyang nakababatang kapatid sa Sitio Gunting, Barangay Palaypay, Anilao, Iloilo.
Ang biktima ay si Lowel Apresto, 41, at ang suspek naman ay si Welord Apresto, 36.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Staff Sergeant Jonar Ortiz, imbestigador ng Anilao Municipal Police Station, sinabi nito na habang nakikipag-inuman ang suspek sa isang tindahan, dumating ang kapatid nito at may nangyaring pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Pagkatapos ng kanilang pagtatalo, naunang umuwi ang nakababatang Apresto at sumunod naman ang nakatatandang kapatid.
Ayon kay Ortiz, inabangan ng suspek ang biktima sa kanilang bahay at doon na pinagtataga gamit ang itak na may haba na 19 na pulgada.
Nagtamo ang biktima ng malubhan sugat sa leeg at halos humiwalay pa ang ulo nito sa kanyang katawan.
Ani Ortiz, lumalabas na may matagal nang alitan ang magkapatid dahil sinasabing minartilyo noon ng biktima ang bibig ng suspek.
Boluntaryo namang sumuko sa otoridad ang nakababatang kapatid na pumatay sa kanyang kuya.