-- Advertisements --

Tila walang balak si Kris Aquino na palakihin ang isyu sa pagitan nila ng kapwa talk show host na si Cristy Fermin.

Ito’y matapos naglabas ng sama ng loob ang 64-anyos na si Fermin kasunod ng paglaglag umano ng 49-year-old former presidential sister sa radio/TV personality na si Mr. Fu.

Makakasama kasi sana nila si Mr. Fu o Jeffrey Espiritu sa tunay na buhay, sa isang online talk show project.

Ayon sa dating “Queen of All Media,” hindi na nito makokontrol ang gagawin at masasabi ng mga tao sa kanya pero nasa kanyang kontrol ang magiging reaksyon at aksyon niya rito.

Sa dami aniya ng problema at responsibilidad niya sa buhay, hindi niya uunahing asikasuhin ang mga patutsada laban sa kanya.

Idinaan ng dating misis ng basketbolistang si James Yap ang buwelta sa pamamagitan ng dating entertainment editor na si Dindo Balares na kapwa malapit kina Cristy at Kris.

Sa pamamagitan ng Instagram post, hinimok ni Dindo na sana ay magkaayos na ang itinuturing niyang nanay na si Cristy gayundin ang kanyang anak-anakan na si Kris.

Una rito, nasaktan daw si Fermin sa text message ni Kris na nagsasabing sila lang ng talent manager na si Lolit Solis ang gusto niyang makasama sa proyekto dahil ‘di raw nila ka-level si Mr. Fu.

“Bakit mo sinaktan ‘yung kaibigan namin? Samantalang ‘di mo naman siya kilala kung ano ang buhay niya,” saad ni Fermin.

Sa panig naman ni Lolit, “In fairness kay Kris, ang unang plano is for her to have a solo talkshow, naisip niya lang na maganda na nanduon kami ni Cristy for the banters at repartee, at maganda naman explanation niya na hindi siya comfortable kay Mr Fu dahil hindi niya masyadong kilala.”