Pumanaw na ang komedyante at impersonator na si Michelle O’Bombshell, ayon sa isang post sa social media ng kapwa niya komedyante na si Pepita Curtis nitong Lunes.
“Paalam Nay Michelle O’Bombshell, lalong masaya diyan ngayon sa Taas dahil andyan po kayo,” aniya sa post.
Sa ngayon ‘wala pang detalye sa sanhi ng pagpanaw ng standup comedian performer na kilala sa kanyang galing sa pag-impersonate kay dating U.S. First Lady Michelle Obama.
Kaugnay nito nagbahagi rin si Pepita ng isang lumang chat kasama si Michelle, kung saan nagpasalamat ang komedyante sa kanya bilang writer ng kanyang birthday concert noong 2024.
Dagdag pa ni pepita, “‘Di namin malilimutan kung gaano ka kagaling sa entablado, kung gaano ka kabilis mag-isip ng mga punchlines na magugulat ang lahat, ang husay mo mag-Ingles, timing, bagsak, isa ka pong idol nay!”
Aniya pa, kahit bago pa lamang si Pepita sa industriya, palaging sinusuportahan ni Michelle ang mga juniors. “Never n’yo po ako sinungitan kahit nung bago pa lang po ako, hindi ka po maramot sa suporta sa mga juniors na katulad ko.
“Nakakakaba sumabay sa wit and humor mo nay pero wala kang ka ere-ere,” dagdag niya.
Ipinanganak bilang Roderic Cuntapay sa tunay na buhay, na nakilala bilang Michelle at Ador at lumabas rin sa mga comedy film tulad ng ”Wapakman” at ”May Amiga Girl.” Kamakailan, lumabas din siya sa isang game show kung saan nakasama niya ang iba pang komedyante.










