-- Advertisements --

Ini-archive na ng Sandiganbayan 7th Division ang kasong graft laban sa nagbitiw na kongresista at puganteng si Elizaldy “Zaldy” Co.

Dahil mahigit anim na buwan mula nang maglabas ang korte ng warrant of arrest ngunit ‘wala parin sa kanilang kustodiya ang dating kongresista.

Nauna nang ibinalik ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Return of Warrant matapos mabigong matagpuan si Co sa mga address na nakasaad sa kanyang warrant of arrest.

Nilinaw naman ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na ang pag-archive ng kaso ay isang karaniwang hakbang ng korte at hindi nangangahulugang ibinasura na ang kaso.

Ginagawa aniya ito upang hindi maantala ang mga iskedyul ng korte habang hindi pa nahuhuli ang akusado.

Nahaharap si Co sa kasong graft kaugnay ng umano’y maanomalyang P289-million flood control project sa Oriental Mindoro.

Iniuugnay rin siya ng Office of the Ombudsman sa Sunwest Incorporated, na isa sa mga contractor ng naturang proyekto.

Ayon sa IBP, mananatiling nakabinbin ang kaso at agad itong didinggin sa oras na maaresto o kusang sumuko si Co.

Dahil itinuturing siyang pugante, hindi rin umano mapapaso ang kaso kahit pa magtagal ang kanyang pagtatago.

Sa pinakahuling impormasyon ng pamahalaan, pinaniniwalaang nasa France si Co at naghain ng asylum doon.

Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nire-review pa ng pamahalaan ang naging resolusyon ng Sandiganbayan.