Tuluyan nang ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban kay National Union of People’s Lawyer (NUPL) Atty. Katherine Panguban.
Si Panguban ay una nang inireklamo ng ama ng isang menor de edad na testigo sa tinaguriang Sagay massacre noong Oktubre 20, 2018.
Sa resolusyon ng DoJ na pirmado ni Assistant State Prosecutor Ferdinand Fernandez, wala umanong probable cause para tuluyang kasuhan sa korte sa Panguban.
Ito ay base na rin sa testimonya ng 14-anyos ng survivor na kusa silang sumama at nagpa-kustodiya sa abogada.
Ang menorde-edad ay natukoy ng Sagay City Police bilang testigo sa pagpatay sa siyam na miyembro ng National Federation on Sugar Workers sa Hacienda Nene sa Sagay City, Negros Occidental noong Oktubre 20, 2018.