Handa ang Kamara na tanggapin ang bersyon ng Senado ng panukalang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA).
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, ito ay para na rin maiwasan na magkaroon ng anumang aberya pagdating sa bicameral conference committee.
Subalit sa kabila nito ay tiniyak naman ni Salceda na haharangin ang bersyon ng Senado sa oras na naglalaman pa rin ito ng probisyon na nagbibigay ng hindi na kailangan na tax incentives sa mga kompanya.
Iginiit ng kongresista na kapag habambuhay na ibinibigay ang tax incentive sa mga kompanya ay hindi na rin aniya mahihikayat pa ang mga ito na pagbutihin ang kanilang performance.
Liban dito, mariing tututulan din aniya ng House panel ang anumang probisyon para na magpapadali sa mga kompanyang makaiwas sa pagbayad ng kanilang buwis sa pamagitan ng transfer pricing.










