Nanindigan si dating Department of Energy (DOE) Undersecretary Atty Jose Layug Jr. na kailangang masunod ang 60-40% na hatian kung sakaling magkaroon man ng joint oil exploration ang Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa dating energy official, dapat maging bukas ang Pilipinas para sa joint exploration sa pinagtatalunang karagatan, lalo na at nananatiling limitado ang resources ng bansa para sa sariling paggalugad sa mga lugar sa Pilipinas na may mataas na bulto ng langis.
Gayonpaman, dapat ay makuha pa rin aniya ng bansa ang hanggang 60% ng net revenues, kung mangyari man ito.
Tinukoy din ni Atty. Layug ang nilalaman ng Presidential Decree 87 na nagbibigay daan para sa mga dayuhang kumpanya na magsagawa ng oil drilling at testing sa mga natural gas deposit sa bansa, basta’t ang dayuhang kumpanya ang magbabayad sa gastusin.
Paliwanag ng abogado, kung may matatagpuang langis, lahat ng gastusin sa oil esploration ay tatanggalin o ibabawas din sa net revenue, bago pa ipatupad ang 60-40 sharing.
Ganito rin aniya ang nangyari sa Malampaya gas field.
Si Atty. Layug Jr. ay isa sa mga executive board member ng Philippine Energy Research and Policy Institute. Aniya, hanggang $100 million ang kakailanganin para lamang sa pagtatayo ng exploration well at wala ding kasiguraduhan kung mayroon agad makukuhang langis dito, kinalaunan – dahilan upang kailangan aniya ng mas malawak na financial network sa kabuuan ng oil exploration.
















