CAUAYAN CITY- Pinuri ng isang political analyst ang pagiging emotional at passionate ng mga kandidato sa pagka-bise presidente sa kanilang debate kagabi na inorganisa ng Comelec.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa political analyst na si Atty. Michael Henry Yusingco, sinabi niya na malaking tulong ang debate sa mga botante dahil dito malalaman ang mga seryosong kandidato.
Ang iba aniya ay hindi karapat-dapat na kandidato sa pagka-pangulo at pagka-pangalawang pangulo.
Inamin ni Atty. Yusingco na medyo dismayado siya sa sagot ng mga kandidato sa pagka-bise presidente hinggil sa kampanya laban sa corruption at may sumagot na kailangan ang bagong ahensiyang tututok sa pagbaka sa katiwalian.
Iginiit niya na nakasaad sa saligang batas na ang tanggapan ng Ombudsman ang magbibigay ng proteksiyon sa mga mamamayan laban sa corruption at government abuse.
Hind na kailangang magtatag ng bagong tanggapan para matutukan ang paglaban sa corruption sa pamahalaan.
Ayon kay Atty. Yusingco, mas maganda sana kung nagpaliwanag ang mga kandidato kung bakit hindi nagagawa ng Ombudsman ang mandato at pag-aralan kung paano mas maging independent at mas mahusay ang tanggapan ng ombudsman na itinalaga para labanan ang corruption.
Sinabi pa ni Atty. Yusingco na nasa botante na ang pasya hinggil sa stratehiya ng Marcos-Duterte tandem na hindi pagdalo sa mga debate.