Tumestigo ang isang Department of Public Works and Highways (DPWH) official laban kay dating Sen. Ramon Revilla Jr. kaugnay ng isang ghost project sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Ang naturang proyekto ang dahilan kaya’t kinasuhan si Revilla ng malversation of public funds, kasama ang iba pang mga personalidad.
Personal na humarap si DPWH Information Management Office Director, Rhalf Cawaling sa trial ngayong araw sa Sandiganbayan Third Division.
Kinuwestyun si Dir. Cawaling sa kaniyang kaalaman ukol sa Project and Contract Management Application, isang sistema na ginagamit sa DPWH para sundan ang real-time progress ng mga infrastructure project sa buong bansa.
Inusisa rin ng mga mahistrado kung gaano ka-epektibo ang naturang sistema sa pagmonitor sa mga proyekto, at kung bakit may mga nakakalusot pa riong ghost project sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Kung babalikan ang official record, lumalabas na nakumpleto na ng hanggang 95.17% ang P92.8 million flood control project sa Pandi, Bulacan na kinasasangkutan ng grupo ni Revilla.
Gayonpaman, nang magsagawa ang DPWH ng inspection sa naturang proyekto, walang nakitang istraktura sa lugar na dapat sanay pinag-tayuan sa naturang flood control project.
Maging ang mga mahistrado ng Sandiganbayan ay nagsagawa rin ng pagsisiyasat at site visit sa lugar ngunit wala din silang nakitang istraktura. (Report by Bombo Genesis)
















