Nanindigan ang Iran na hindi nito bubuksan ang Strait of Hormuz hangga’t hindi aniya tinatanggap ng Estados Unidos ang mga kondisyon ng Tehran para wakasan ang digmaan sa rehiyon.
Ayon kay Mohsen Rezaei, bagong itinalagang secretary ng Iran’s Supreme National Security Council, kailangang tapusin ng Estados Unidos ang digmaan at bayaran ang mga frozen assets ng Iran.
Hiniling kasi ng Iran na kasali sa kasunduan ang pagwawakas ng digmaan sa Lebanon at Gaza.
Sinabi ni Rezaei na kung magkakaroon man ng kasunduan ang Iran at Oman tungkol sa ligtas na shipping route sa Strait of Hormuz, hiwalay umano ito sa desisyon ng Iran.
Senyales na hindi agad ibabalik ng Iran ang normal na shipping operations sa Strait of Hormuz kahit magkaroon ng kasunduan sa mga mediator.
Samantala, muling nagtaas ng demand si U.S. President Donald Trump. Aniya kailangan magbayad din ang Iran ng compensation para sa mga pinsalang dinulot umano ng mga digmaan, pag-atake at protesta sa loob ng nakalipas na 50-taon.
Dahil dito naobserbahan muli ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa mga pangambang magiging epekto ng pagsasara ng Strait of Hormuz.
Bago sumiklab ang digmaan, humigit-kumulang 1/5 ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas ang dumaraan sa naturang strategic waterway.
Gayunpaman, nananatili ang tensyon sa karagatan matapos maiulat ang mga bagong insidente laban sa mga commercial vessel sa Gulf of Oman at Red Sea.
Kung saan apat na crew member din ang iniulat na nasawi sa hinihinalang pag-atake ng Iran-backed Houthi rebels sa isang cargo vessel sa Bab el-Mandeb Strait.
Samantala, patuloy ang diplomatic efforts ng Pakistan, Qatar at Oman upang mapalapit ang Estados Unidos at Iran sa isang kasunduan. Ayon sa Pakistani officials, may mga senyales na maaaring malapit na sa isang arrangement ang dalawang panig.















