Naniniwala si Senate Majority Leader Joel Villanueva na makatutulong ang International Labor Organization Convention No. 190 (ILO C190) para tugunan ang karahasan at pang-aabuso sa trabaho, domestic man o sa abroad, at bigyang-proteksyon ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na hindi ligtas sa lahat ng uri ng pangmamaltrato.
Ang ILO C190 o “Convention Concerning the Elimination of Violence and Harassment in the World of Work” ay magbibigay ng global framework o pandaigdigang balangkas para masolusyunan ang karahasan at pang-aabuso sa mga manggagawa, kabilang na ang gender-based violence.
Magugunitang kinatigan ng Senado ang ratipikasyon ng ILO C190 bilang bagong kapanahunan ng pagsulong ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.
Giit ni Villanueva, oras na para wakasan ang karahasan sa ating mga kababayan.
Ayon sa Department of Migrant Workers, ang tatlong nangungunang bansa na may naitalang labor at welfare cases ng mga OFW ay Riyadh na may 65,136, Kuwait (43,225) at Malaysia (29,049).
Samantala, sinabi naman sa World Risk Poll 2021 na 60% ng mga manggagawa sa Pilipinas ay nakaranas ng karahasan at pang-aabuso sa lugar ng kanilang trabaho. Sa mga kababaihang biktima, 13% ay sexually harassed, 9% ay psychologically at physically harassed, at 12% ay nakaranas ng lahat ng tatlong uri ng harassment.