-- Advertisements --

Pinagpiyestahan sa social media ang isang nanay na nagsuot ng wedding gown sa recognition day ng kanyang anak sa Baseco Elementary School noong Marso 30, 2026.

Nakilala ang ina ng graduated student na si Mary Grace Gundayao-Galgao, isang working mother, fish vendor, at content creator, na nag-viral dahil sa kanyang napiling kasuotan para sa graduation ng kanyang anak na napag-alaman na isang honor student.

Bagama’t marami ang natuwa hindi naman nakaligtas sa pambabatikos si Mary Grace kung saan ilan sa mga netizens ang nagsabi, “agaw-eksena,” habang may iba namang nagbigay ng suporta at nakangiting biro tungkol sa sitwasyon.

“Kahit naman ako kung ganyan kadami ang awards ng anak ko… at wala akong paki sa sasabihin ng iba, baka red carpet pa yan…” supportive comment ng isang netizen.

Ayon kay Mary Grace, deserve niya na ang magsuot ng magarbong gown dahil humakot ng mga medalya ang anak niya, at nais niyang ipakita na bahagi rin siya ng tagumpay ng anak.

“Hindi lang anak mo ang umaakyat sa stage…kasama ka rin sa bawat hakbang na iyan. ‘Yung mga puyat mo. ‘Yung pagod mo. ‘Yung sakripisyo at tahimik mong suporta,” ani Mary Grace sa kanyang social media post.

Nagbigay rin siya ng nakakatawang paliwanag kung bakit wedding gown ang napili niyang isuot: dahil hindi nagustuhan ang online na inorder niyang damit at gusto niyang “angat tayo sa lahat.”

Dagdag pa niya, praktikal ang desisyon dahil sa mahal na gasolina at iba pang gastusin.

Upang ipagtanggol ang sarili laban sa mga kritiko, nag-post si Mary Grace ng larawan kasama ang anak at inilagay ang mga komentong pumuna sa kanyang kasuotan. “Anong masama sa suot ko..? Deserve ko naman siguro… proud lang naman ako as a mom,” ani Mary Grace.

Sa kabila ng hati-hating reaksyon, maraming netizens ang nagdiwang sa tagumpay ng kanyang anak at sa pagmamalaki niya bilang ina. Bilang isang content creator, naging malaking bagay na rin ang pagiging viral niya online, na nagpakita ng kanyang pagmamahal at suporta sa anak sa isang natatanging paraan.