BAGUIO CITY – Nasa 30 baboy ang isinailalim sa culling sa Sesec-an, Talalang, Balbalan, Kalinga matapos mahawaan ang mga ito ng African swine fever (ASF).
Ayon kay Balbalan Municipal Agriculturist Anita Caldingon, ipinag-utos ng Kalinga Provincial ASF Task Force ang pagpatay at paglibing sa mga nasabing baboy sa isang common dug site.
Aniya, mixed breed ng commercial white-large hog species ang mga nahawaan ng ASF kung saan alaga ang mga ito ng aabot sa 17 pamilya ng hog-raisers.
Nagmula aniya ang impeksyon ng ASF sa nasabing lugar sa isang pamilya doon kung saan dalawang beses na nagpositibo sa ASF ang mga alagang baboy ng mga ito batay sa blood samples na ipina-lab test sa Baguio City at Tuguegarao City.
Dinagdag niya na kailangang patapusin ang anim na buwan bago sila makapag-alagang muli ng mga baboy kung saan sasailalim ang apektadong komunidad ng anti-ASF sanitizing procedure bawat dalawang linggo.
Ipinasigurado na rin aniya ng Department of Agriculture-Cordillera ang tulong pinansyal sa mga apektadong hog-raisers.
Napag-alamang ito na ang ikalawang insidente ng pagkalat ng ASF sa bayan ng Balbalan sa Kalinga.