-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Hindi alam ng misis ng isang freelance agent ng hardware supplies kung paano ito magsisimula sa kanilang buhay matapos madamay ang kanyang mister sa sunog sa Java Pension House sa Bacolod City nitong Martes ng madaling-araw.

Ito ay matapos matukoy na ng mga otoridad ang identity ng pang-anim na namatay sa sunog.

Ayon kay Bacolod fire marshal Fire Chief Inspector Publio Ploteña, kinilala ang biktimang si Arniel Bajinting ng Barangay Bulacao, Cebu City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa misis ng biktima na si Evelyn, Lunes ng madaling-araw umalis sa Cebu ang kanyang 42-anyos na mister papuntang Bacolod dahil mayroon itong sisingilin sa kanyang kliyente.

Lunes ng gabi, nagkausap pa ang mga ito sa telepono ngunit nagtaka ito nang hindi nakatawag ang biktima noong Martes at hindi rin sumasagot sa kanyang tawag hanggang na-off ang kanyang cellphone kahapon ng tanghali.

Kahapon ng hapon, nalaman ni Evelyn mula sa kaibigan ni Arniel na nasawi ito matapos hindi nakalabas sa Java Pension House nang mangyari ang sunog.

Kagabi, agad na tumulak papuntang Bacolod ang misis upang sunduin ang bangkay ng kanyang mister.

Ayon sa nabiyudang ginang, malaking adjustment ang kanyang gagawin lalo’t wala itong trabaho at mag-isa na lamang itataguyod ang kanilang tatlong anak.