-- Advertisements --

NAGA CITY – Nanawagan ng hustisya ang pamilya Samson kaugnay nang brutal na pagpatay sa 12-anyos na dalagita sa Nabua, Camarines Sur.

Agosto 8 nang napaulat na nawawala ang menor de edad pero kamakailan lang ay natuklasan ang naagnas ng bangkay nito sa isang madamong bahagi sa tabi ng kalsada sa Zone 6, Barangay Bustrac sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Hilaria Luzon, lola ng biktima, sinabi nito na umaasa siyang matutulungan sila ng mga awtoridad na makuha ang hustisya na kanilang hangad.

Kahapon nang mamatay ang isa sa mga suspek sa krimen na kinilalang si Ricky Ebonite matapos manlaban habang pinapasuko ito ng mga otoridad.

Naniniwala naman ang pamilya Samson na hindi lamang iisa ang suspek na sangkot sa krimen.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.