-- Advertisements --

Suportado ng Young Guns ng Kamara de Representantes ang pagtatalaga kay Police Major General Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), at inilarawan ang hakbang na ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isang hakbang tungo sa mas may pananagutan at propesyonal na institusyong nagpapatupad ng batas.

Naglabas ng joint statement sina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, Zambales Rep. Jay Khonghun, La Union Rep. Paolo Francisco Ortega V, 1RIDER Rep. Rodge Gutierrez, at Manila Rep. Ernest “Ernix” Dionisio upang purihin ang appointment ni Torre.

Binigyang-diin ng mga mambabatas na ang pagtatalaga kay Torre ay sumasalamin sa paninindigan para sa hustisya at rule of law.

Si Torre, na kasalukuyang direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class of 1993.

Nagsilbi rin siya bilang direktor ng Quezon City Police District (QCPD) at Davao Regional Police Office.

Ayon sa Young Guns, ang matitibay na desisyon ni Torre ay kinikilala bilang patunay ng kanyang paninindigan sa batas kahit na kinasasangkutan ng malaking personalidad.

Ipinahayag din nila ang pag-asa na sa ilalim ng pamumuno ni Torre ay lalo pang magiging bukas at nakatuon sa komunidad ang PNP.

Hinimok rin nila ang publiko na suportahan ang bagong hepe ng PNP sa kanyang pagsisikap na makapagdulot ng positibong pagbabago sa hanay ng kapulisan.