
Bukas ang House committee on appropriations na pag-aralan ang panawagan ni Ombudsman Samuel Martires para sa hindi na pagsasapubliko ng taunang audit report ng Commission on Audit sa mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay panel chairperson Elizaldy Co, nauunawaan nito ang concern kaugnay sa pagpigil na mahusgahan at kalituhan sa taumbayan sa tuwing nakakabasa ng audit reports.
Kayat mahalaga aniyang maikonsidera ang epekto ng pagsasapubliko nito sa resputasyon ng mga opisyal ng pamahalaan.
Una na kasing inirekomenda ni Ombudsman Martires sa pagdinig ng sa Kamara kaugnay sa P4.98 billion panukalang pondo ng Ombudsman para sa 2024 na dapat tanggalin ng Kongreso ang probisyon sa General Appropriations Act na tumutukoy sa paglalahad ng taunang audit report ng COA.
Sinabi din ni Ombudsman Martires na ang audit findings ng COA ay maari pang iapela kayat suspetsa tuloy ng publiko na corrupt ang Ombudsman kapag hindi naghain ang anti-graft body ng kaso base sa audit findings na naayos naman ng concerned agency kalaunan.








