-- Advertisements --

Hindi sinang-ayunan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang plano ni Marikina City Mayor Marci Teodoro na kasuhan ang Magat Dam management dahil sa bahang naranasan ng kanilang mga kababayan.

Matatandaang umabot hanggang bubong ang lalim ng tubig, sa kasagsagan ng epekto ng typhoon Ulysses.

Ayon kay Pagasa Deputy Administrator Landrico Dalida Jr. sa panayam ng Bombo Radyo, hindi nanggaling sa dam ang nagpabaha sa malaking bahagi ng Marikina.

Paliwanag nito, bumuhos ang tubig mula sa mga bundok sa lalawigan ng Rizal at hindi sa mga kontroladong dam sa Bulacan at iba pang bahagi ng Luzon.

“Baka nabibigla lang po ang ating Marikina mayor. Ang pagbaha pong ito ay hindi direktang nagmula sa Magat Dam,” wika ni Dalida.

Dagdag pa ng Pagasa, kung pipigilan ang release ng tubig, baka mas malalang problema ang abutin kapag bumigay ang mismong mino-monitor na dam.