-- Advertisements --
Screenshot 2020 08 22 10 03 12

BAGUIO CITY – Binunot at sinira ng mga anti-illegal drug operatives ng pinasamang pwersa ng anti-narcotics ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera at mga police operatives ng Kalinga Police ang mahigit P2.14 million na halaga ng mga marijuana sa Tabuk City, Kalinga kahapon.

Ayon kay Police Col. Davy Vicente Limmong, direktor ng Kalinga Police, nadiskobre ng mga operatiba ang dalawang plantation sites sa Sitio Binongsay, Barangay Malin-awa na may lawak na 900 metro kwadrado.

Aniya, dito binunot at sinunog ng mga operatiba ang 10,700 piraso ng mga fully-grown marijuana plants.

Sinunog din aniya ang 150 gramo ng marijuana seeds na nadiskobre sa isa sa mga plantation sites.

Gayunman, walang naarestong marijuana cultivator sa kasagsagan ng operasyon.

Sinabi ni Limmong na ang operasyon ay implementasyon ng mas hinigpitang anti-illegal drug campaign ng mga tropa ng pamahalaan na tinawag na OPLAN 14 November Uma na bahagi ng Barangay Drug Clearing Program ng PNP.

Pinuri din nito ang mga anti-illegal drug operatives dahil sa patuloy na pagsasagawa ng mga ito ng mga tagumpay na operasyon kasabay ng paghikayat niya sa publiko sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa mga otoridad, hindi lamang sa kampanya kontra iligal na droga kundi maging sa kampanya laban sa ano mang uri ng kriminalidad.