-- Advertisements --

CEBU CITY – Mahigit P1 million ang halaga ng nasabat na iligal na droga ng mga otoridad sa isang miyembro ng lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) group sa Brgy. Subangdaku, Mandaue City, Cebu.

Kinilala ng City Intelligence Unit (CIU) at City Drug Enforcement Agency (CDEU) ng Mandaue City Police Office ang suspek na si Vicente Secretaria o kilala sa pangalang Amanda, 43 taong gulang at naninirahan sa Brgy. Mambaling sa naturang lungsod.

Base sa inisyal na imbestigasyon, inamin ni alyas Amanda ang krimen at ayon sa kanya, napag-utusan lamang ito ng kaibigan na isang miyembro rin ng LGBT group na ihatid ang mga iligal na droga sa karatig na siyudad.

Nakuha mula sa suspek ang aabot sa 200 grams sa hinihinalang shabu, na naghahalaga ng P1.36 million.

Ayon kay Police Lt. Troy John Lalamunan, ang team leader ng City Intelligence Unit (CIU) at City Drug Enforcement Agency (CDEU), matagal na nitong isinalalim sa surveillance si alyas Amanda.

Subalit itinangi ng suspek na matagal na itong nagtutulak ng iligal droga.

Dagdag pa nitong ikalawang beses pa lamang niyang naghatid ng iligal na droga.

Nagpapatuloy pa rin ang follow-up operation ng PNP para malaman ang pinanggalingan ng iligal na droga ng suspek.

Kakaharapin nito ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.