
Katuwang ang National Task Force (NTF) on COVID-19, matagumpay na umarangkada ang expanded targeted mass swab testing ng Bacoor City Task Force kontra COVID-19.
Sabay itong ginawa sa Bacoor National High School Tabing Dagat at Zapote Elementary School.
Pinangunahan ang hakbang na ito ni Bacoor City Mayor Lani Mercado Revilla na siyang nakipag-ugnayan sa NTF sa pangangasiwa naman ni Deputy Chief Implementer at BCDA Chairman Sec. Vince Dizon upang magbigay ng libreng PCR tests sa naturang lungsod.
Sa unang araw pa lamang ng swab testing ay mahigpit nang ipinatupad ang mga umiiral na health protocols, tulad ng “no face mask, no entry” at physical distancing sa bawat swab sites.

Nagtayo din ng maraming swabbing booths ang NTF sa mga nabanggit na sites dahilan upang maging mabilis ang testing sa bawat indibidwal.
Mahigit 800 Bacooreño ang sumailalim sa swab testing. Ito ay binubuo ng staff, personnel, security at maintenance ng Hall of Justice.
Hindi rin kinalimutan ng lokal na pamahalaan na isali rito ang mga nagtitinda sa Tabing Dagat talipapa, local government employees (LGUs) at maging ang mga naninirahan sa lugar ng Zapote kung saan may local community transmission.












