-- Advertisements --

Mahigit 80 maritime accidents ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pananalasa ng Bagyong Odette.

Sinabi ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga incident reports mula sa Northern Mindanao region at Palawang province.

Kinukumpirma rin aniya nila sa ngayon ang mga ulat hinggil sa casualty at nawawalang mga tao dahil sa mga insidenteng ito, katulad ng nangyari sa Cebu.

Sinabi ni Balilo na ilan sa mga evacuees ay hindi pa nakakauwi sa kanilang isla dahil nanatili pang sarado ang mga pantalan isang linggo makalipas na manalasa ang nagdaang bagyo.

Dagdag pa niya, nakatanggap ang PCG ng request mula sa NDRRMC na ipagbawal muna ang bus trips mula Manila pauwi sa Visayas dahil ilan pang mga pantalan ang nanatiling non-operational.

Payo naman ni Balilo sa publiko na makipag-ugnayan muna sa PCG, Philippine Ports Authority, o sa shipping companies para maiwasan ding maabala pa.

Sa ngayon, ginagamit pa ng PCG ang 10 sa kanilang mga sasakyang pandagat para sa paghahatid ng relief items sa mga biktima ng bagyo.