Kabuuang 46,251,087 doses na ng COVID-19 vaccines ang naituturok sa buong bansa hanggang noong Oktubre 2, base sa datos mula sa National Vaccination Operations Center
Ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19, mula sa naturang bilang, 24,513,343 ang first doses, habang 21,737,744 naman ang second dose.
Samantala, sinabi ni NTF Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. na kumpyansa ang pamahalaan na makakapagpagbakuna sila ng mga batang edad 12 hanggang 17 dahil sa lumalaking bilang sa ngayon ng dumarating na COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Sa ngayon, ang COVID-19 vaccine supply na mayroon ang Pilipinas ay 77,410,640 doses makalipas na dumating kaninang umaga ang 1,813,500 million doses ng Pfizer COVID-19 vaccine na binigay ng US government sa pamamagitan ng COVAX facility.
Sa kanilang tantiya, sinabi ni Galvez na nasa 12.7 million ang bilang ng mga batang edad 12 hanggang 17, kaparehong bilang na sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje.
Ang mga bakunang gawa ng Pfizer at Moderna ang siyang gagamitin sa target population na ito dahil ang mga brands na ito ang siyang mayroong emergency use authorization mula sa Food and Drugs Administration.










