-- Advertisements --

Pumalo na sa hindi bababa sa 160 katao ang kumpirmadong nasawi habang daan-daan pa ang nawawala matapos ragasain ng dambuhalang flash flood ang mga nayon sa Nepal at sa border nito sa Tibet.

Ayon sa Ministry of Tourism ng Nepal, humigit-kumulang 403 turista, kung saan 341 dito ay mga dayuhan mula sa iba’t ibang bansa, at 28 tauhan ng pulisya ang kasalukuyang hindi pa mahanap.

Samantala, inihayag ng mga awtoridad sa China na tatlo ang pumanaw habang 265 naman ang nawawala sa kanilang bahagi ng border sa Gyirong county sa Tibet matapos maputol ang komunikasyon, kuryente, at kalsada dahil sa matinding mudslide.

Apektado rin ng malawakang pinsala ang pambansang suplay ng enerhiya sa Nepal matapos masira ng baha ang humigit-kumulang 430 Megawatts ng kapasidad ng kuryente mula sa mga hydropower at solar facilities.

Dahil sa matinding pinsala at taas ng tubig, nanawagan ng pagkakaisa si Nepal Prime Minister Balendra Shah habang humihingi rin ng saklolo at tulong sa mga kalapit-bansang India at China para sa gawaing paglipat at paghahanap sa mga biktima.

Naglunsad na ang Nepal Army at mga rescue teams mula sa iba’t ibang sektor ng malawakang search and response operations gamit ang mga helikopter at specialized units upang matulungan ang mga residenteng naipit sa trahedya.