Mahigit 100 katao, kabilang na ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon, ang nabiktima ng food poisoning.
Hanggang noong alas-9:00 ng gabi ng Disyembre 22, aabot na sa 111 ang bilang ng mga nalason habang ginaganap ang isang malaking pagtitipon sa Quezon Convention Center kamakailan.
Ang mga biktima ay kaagad din namang isinugod sa Quezon Medical Center sa Lungsod ng Lucena matapos na makaranas ng mga sintomas ng food poisoning.
Napag-alaman na nangyari ang naturang insidente habang nagaganap ang payout ng honorarium sa 4,000 kasapi ng Provincial Union Leaders against Illegalities at ng Luntiang Katipunero.
Nauna nang humingi nang paumanhin at pag-unawa si Governor Danilo Suarez sa insidenteng ito.
Patuloy namang inaalam pa ng mga otoridad ang katotohanan sa naturang pangyayari.