Nagsasagawa ng evacuation ang mga medic para sa dalawang pasahero na nagpapakita ng sintomas ng hantavirus matapos ang hinihinalang outbreak sa isang luxury cruise ship na kasalukuyang nanatili sa baybayin ng West Africa.
Tinatayang nasa 150 katao pa ang nananatili sa naturang mamahaling cruise matapos pumanaw ang tatlong pasahero—isang mag-asawang Dutch at isang German national, habang ilan pa ang nagkasakit. Kabilang dito ang isang Briton na dinala na sa South Africa para sa gamutan.
Ang hantavirus ay isang bihirang sakit na maaaring magdulot ng malubhang respiratory illness at naipapasa sa pamamagitan ng hangin na may kontaminasyon mula sa ihi o dumi ng daga. Hindi ito madaling maipasa mula tao sa tao.
Ayon sa World Health Organization, mababa ang panganib nito sa mas malawak na publiko at hindi kinakailangan ang travel restrictions. Gayunpaman, bilang pag-iingat, hindi pinayagan ng Cape Verde na dumaong ang Dutch-flagged na MV Hondius.
Samantala, patuloy na sinusuri ng operator ng barko na Oceanwide Expeditions ang posibilidad na mailikas ang mga pasahero sa ibang lugar, kabilang ang Las Palmas at Tenerife, habang pinaplano rin ang repatriation ng mga apektadong crew.
Ayon sa kumpanya, ipinatutupad na ang mahigpit na health protocols sa loob ng barko upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Napag-alaman na nagmula ang biyahe ng MV Hondius sa Ushuaia, Argentina noong Marso at dumaan sa iba’t ibang lugar kabilang ang Antarctica at ilang isla sa Atlantic bago makarating sa Cape Verde noong Mayo 3.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga eksperto ang pinagmulan ng outbreak, kabilang ang posibilidad na nagmula ito sa mga daga sa barko o sa exposure ng mga pasahero sa South America.











