Sa kabila ng pagdiriwang ng Pasko, nakapagtala pa rin ang Bureau of Immigration (BI) ng halos 32,000 arrivals noong Christmas Eve.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na kabuuang 31,992 ang bilang ng mga dumating sa bansa na naiproseso ng immigration officers na nakadestino sa iba’t ibang international airports.
Karamihan sa mga international passengers ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na mayroong 10,047 passengers.
Habang ang Terminals 2 ay may 4,646 pasahero habang 12,615 travelers ang naiproseso sa Terminal 3.
Nakapagproseso naman ang BI ng kabuuang 22,248 departures noong Christmas Eve.
Siniguro naman ni Tansingco sa publikong kahit mahaba ang pila sa mga counters dahil sa pagbuhos ng mga international travel, mabilis naman daw nilang ipoproseso ang dokumento ng mga ito.
Binigyang diin ni Tansingco na ang pagdami ng travelers ay positive sign na sumisigla na ulit ang turismo sa bansa.