-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapagaling na sa ngayona isang guro matapos na manlaban sa snatcher na tumangay sa pouch nito sa harap ng Southern Funeral, Gensan Drive, Koronadal City pasado alas-3 kaninang hapon.

Ito ang inihayag ni Police Lt. Col. Joefel Siason, hepe ng Koronadal City PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang biktima na si Angel Lumbaña, 25-anyos, at residente ng lungsod. 

Sa inisyal na imbestigasyon, natukoy na  habang naghihintay ng tricycle ang biktima ay bigla na lamang itong nilapitan ng suspek na lulan ng motorsiklo at hinablot ang pouch niya na naglalaman ng cellphone at ilan pang gamit.

Nag-agawan pa ang dalawa dahilan para paputikin ng suspek ang dala nitong baril kung saan tinamaan sa hita si Lumbaña.

Matapos ang insidente, mabilis naman na tumakas ang suspek na sakay ng XRM na motorsiklo kulay pula papuntang bayan ng Tantangan, South Cotabato.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente kung saan inaalam din kung nahagip ng CCTV sa Gensan Drive ang pangyayari.