ILOILO CITY- Patay ang isang guro matapos barilin ng sarili nitong live-in partner na namatay rin kalaunan matapos nagresponde ang pulis sa Sta. Barbara, Iloilo.
Ang mga namatay ay sina Jose Marco Ocampo, 48 at Rachel Lopez, 40, pawang residente ng Pavia Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pol. Lt. Aileen Lacrite, Deputy Chief of Police ng Sta. Barbara Municipal Police Station, sinabi nito na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang opisyal sa Barangay Tuburan, Sta. Barbara, Iloilo na may isang babae na humihingi ng tulong dahil sa pambubugbog ng isang lalaki sa radial road sa nasabing barangay.
Aniya, nang dumating ang pulis, kinausap pa ang suspek ngunit hindi ito nakinig at binaril ng ilang beses ang guro.
Lalapitan sana ng pulis ang suspek ngunit binaril ito ng dalawang beses.
Dahil nalagay na sa panganib ang buhay ng pulis, binaril na ang suspek.
Base sa imbestigasyon ng pulis, personal na problema ang motibo ng krimen.
Samantala, ayon naman sa pamilya ng guro, walang anak ang dalawa na mag karelasyon na ng mahigit 18-taon at gusto nang makipaghiwalay ng guro ngunit ayaw ng suspek.