Nanawagan ang grupo ng mga retirado at aktibong heneral na maghanap ng judicial remedies o magbitiw sa pwesto ang mga opisyal ng pamahalan kung hindi nila kayang suportahan ang opisyal na posisyon ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Pinamumunuan ni retired Police Major General German Doria ang naturang grupo.
Sa isang opisyal na manipesto ng grupo na inilabas ngayong Huwebes, Agosto 6, sinabi ng Association of General and Flag Officers (AGFO) na ang pagsunod sa mga legal na obligasyon ng Pilipinas sa WPS ay usapin ng pagtalima sa batas at hindi ng pampulitikang panig.
Ayon sa grupo, ang mga opisyal na hindi kayang sumuporta sa mga itinatag na pambansang batas o sa mga makasaysayang legal submissions, gaya ng kamakailang paghahain ng Extended Continental Shelf, ay may tungkuling humanap ng mga judicial remedy o mag-“step-aside” upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Binigyang-diin ng AGFO na ang katapatan sa Konstitusyon, pagtalima sa Rule of Law, at pagtatanggol sa pambansang soberanya ay mga tungkuling “non-negotiable” o hindi maaaring iatras ng sinumang lingkod-bayan
Tahasang sinuportahan din ng mga heneral ang posisyon ng Department of National Defense (DND) at ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. Una na ngang inihayag ni Teodoro na ang mga opisyal na kumakampi sa naratibo ng China ay dapat magbitiw dahil labag ito sa kanilang sinumpaang tungkulin sa batas.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo ng pagkakaroon ng iisang pambansang paninindigan upang suportahan ang mga aktibong sundalo na nagbabantay sa karagatan at ang mga mangingisdang Pilipino sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Nakiusap din ang AGFO sa media at public commentators na ilatag ang mga official policy statement sa tamang legal na konteksto upang maiwasan ang maling interpretasyon at hindi pagkakaunawaan ng publiko.
















