-- Advertisements --

Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nasugatan ang ilang miyembro ng grupo ng mga Pilipinong scientist at researcher na nagsasagawa ng marine resource assessment sa Pag-asa island matapos i-harass ng Chinese helicopter ang mga ito noong Sabado.

Sa video na inilabas ng BFAR, makikitang umaaligid sa malapitang distansiya ang People’s Liberation Army Navy helicopter na may tail number 57 sa taas ng Sandy Cay 3 at 4 at minomonitor ang aktibidad ng research team ng PH.

Ayon sa BFAR personnel, natakot ang mga marine researcher matapos na lumapit ang helicopter ng China 50 feet lamang ang layo mula sa ground sa loob ng 10 minuto.

Ilan sa mga scientist at crew ng BFAR ay nagtamo ng minor injuries gaya ng galos at hiwa dahil sa malakas na hangin at debris dulot ng patuloy na pag-aligid ng eroplano ng China sa lugar.

Ang crew naman ng BFAR na nagmamando sa underwater drone ay halos malunod dahil hindi ito makaalis sa tubig dulot ng malakas na hangin dala ng helicopter ngunit naisalba ito kalaunan ng kaniyang kasamahan.

Nakarinig din ang reserach divers ng “ping” sounds na may 3 segundong interval habang nagdadive sa Sandy cay 3.

Dahil sa insidente, ni-recal ng mission commander ang research team.

Nangyari ang harassment ng Chinese helicopter sa parehong araw na binombahan ng China Coast Guard vessels ng water cannon ang resupply boat ng PH na Unaizah May 4 habang nagsasagawa ng resupply mission sa ayungin shoal na nagtamo din ng matinding pinsala at ikinasugat ng 3 personnel ng PH Navy.