Nag-aabang ng iba pang aksyon ang isang kilalang maritime expert sa mga gagawin ng pamahalaan, kaugnay sa presensya ng umanoy Chinese maritime militia.
Ayon kay Director Jay Batongbacal ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, malinaw na paglabag sa international law ang ginagawa ng China.
Napuna rin ni Batongbacal ang pahayag ng Chinese officials ukol sa pagkakaroon ng mahigit 200 barko sa nasabing bahagi ng karagatan.
Paliwanag kasi ng Chinese Embassy to the Philippines, mga mangingisda lamang ang mga iyon na nagkubli dahil sa masamang lagay ng panahon.
Pero sa hiwalay na statement, inamin ng embahada na nangingisda doon ang kanilang mga kababayan dahil sa kanila raw ang island group ng Nansha Qundao.
Para kay Batongbacal, nananatiling labag sa batas ang pagpasok ng Chinese vessels sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Dati nang nakapagsumite ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kahalintulad na usapin noong mga nakaraang buwan at taon, ngunit hindi naman nareresolba ang problema.