Maaaring magkaroon ng makasaysayang representasyon ang mga Pilipino sa darating na NBA Finals, matapos mapabilang sa magkalabang koponan ang dalawang manlalarong may dugong Pilipino na sina Jordan Clarkson ng New York Knicks at Dylan Harper ng San Antonio Spurs.
Sa naturang senaryo, inaasahang hindi lamang tagapanood ang mga Pilipino, kundi magkakaroon din ng direktang representasyon sa loob ng pinakamalaking entablado ng NBA.
Si Clarkson, beteranong scorer at matagal nang kinikilalang bahagi ng Gilas Pilipinas program, ay may malalim na kaugnayan sa Pilipinas. Kilala siya sa pagsusuot ng “PILIPINAS” jersey sa mga international tournaments at sa kanyang pagiging bahagi ng Philippine basketball scene sa mga nakaraang taon.
Samantala, si Harper naman ang 2025 No. 2 draft pick, ay itinuturing na isa sa mga young guards ng liga. Anak siya ng dating NBA champion na si Ron Harper, at may dugong Pilipino sa panig ng kanyang ina na si Maria Pizarro na mula Bataan.
Kung matutuloy ang inaasahang Finals matchup, posibleng magtagpo sa loob ng court ang beteranong si Clarkson at rookie na si Harper.
Ang Spurs, sa pangunguna ni Victor Wembanyama, ay nakatakdang muling sumabak sa Finals matapos ang matinding Game 7 panalo kontra Oklahoma City Thunder, habang ang Knicks ay inaasahang kumpletuhin ang kanilang pag-abante sa championship series.
Sa loob ng dekada, matagal nang itinuturing ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-basketball-crazy nations sa mundo, ngunit ngayon ay mas lumalalim ang presensya nito sa pinakamataas na antas ng NBA.
















