-- Advertisements --

Nais ngayon ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chair Panfilo Lacson na magsagawa ng sabayang pagdinig o “face-off” sa pagitan ng mga pangunahing personalidad na sangkot sa imbestigasyon ng umano’y maanumalyang flood control projects.

Kabilang sa ipapatawag sina dating Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co, dating staff na si Orly Guteza, at ilang dating mga sundalo na nag-ugnay umano sa paghahatid ng pera kay Co.

Ayon kay Lacson, layunin ng pagsasabay-sabay na testimonya na matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo sa mga magkakasalungat na pahayag.

Binanggit din niya na maaaring humingi ng pahintulot ang komite sa Sandiganbayan upang makapagtestigo si Co matapos ang kanyang pag-aresto sa Czech Republic, habang patuloy ang proseso ng kanyang deportation.

Sinabi pa ni Lacson na mahalaga ang testimonya ni Co sa imbestigasyon, dahil itinuturing siyang mahalagang personalidad sa mga alegasyon ng insertion sa national budget ng bansa kasabay ang paglalaan ng pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Patuloy ding pinag-aaralan ng komite ang report nito kaugnay ng kaso, habang inaasahang maisusumite ito sa plenaryo matapos makuha ang kinakailangang pirma ng mga miyembro ng komite.