
Itutuloy pa rin umano ng Blue Ribbon Committee ang pagsasagawa ng isang executive session kaugnay ng pagbili ng pamahalaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.
Una nang sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Francis Tolentino na ang executive session ay para maibahagi sa kanilang mga senador ang nilalaman ng mga non-disclosure agreement (NDA) ng gobyerno sa vaccine manufacturers.
Dagdag pa ng senador, pag-uusapan rin nila dito kung saan napunta ang mga bakuna.
Iginiit nitong bagamat sinabi nina Department of Health (DOH) OIC Undersecretary Maria Rosario Vergeire at dating Finance Secretary Sonny Dominguez na maliit na porsiyento lang ng mga bakuna mula sa national government ang hindi nagamit, uusisain pa rin nila ang 44 million doses ng COVID-19 vaccines na nasayang para hindi na ito maulit sa hinaharap.
Samantala, iginiit ni Tolentino na isa sa mga positibong naging resulta ng ikinasa nilang pagdinig nitong nakaraaang linggo ay ang pagsasabi ng DOH at Department of Finance (DOF) na sakaling bibili ulit ng mga bakuna ang gobyerno ay gagamitin na nila ang solicitor general para magkaroon ng abogado ang pamahalaan sa pakikipagkasundo sa mga vaccine manufacturer.
Giit ng mambabatas, mas mainam na mga abogado ang nakatingin sa mga kontrata para mapag-aralan itong mabuti at hindi maagrabyado ang bansa.










